Tema: Si Jesus sa harap ng pagdurusa.
Kung pagninilayan natin ang mga matinding pagdurusa nararanasan natin at ng mga taong nasa paligid natin, hindi maiwasan na tayo’y magtanong kung bakit kailangan maging ganito ang buhay sa mundo. Sa unang pagbasa narinig natin ang matinding paglalarawan ni Job sa sitwasyon ng sangkatauhan; “Ang buhay ng tao’y sagana sa hirap, batbat ng tiisin at lungkot na dinaranas.”
Sa Mabuting Balita ay maaaring maging kasagutan sa tanong ni Job. Nakita ni Jesus ang malungkot na kalagayan ng pagdurusa at sakit. Hindi siya nagbulag-bulagan ngunit “hinawakan sa kamay at ibinangon” ang biyenan ni Pedro at ito’y gumaling. Ganito rin ang ginawa niya sa lahat ng mga maysakit na dinala sa kanya. Sa halimbawang ito ipinapakita ni Jesus sa kanyang mga alagad na tungkulin ng bawat tagasunod ni Jesus na maging bukas ang mga mata, isipan at puso upang lagi tayon maging handang tumulong sa ating kapwa. Sa pamamagitan lamang nito na madarama rin natin ang pagpapagaling ni Jesus. Kasama ng kamalayang ito ang ating pagiging alagad ni Jesus, na laging handang ipangaral ang Mabuting Balitang ating narinig sa pamamagitan hindi lamang ng ating mga salita ngunit sa pamamagitan ng mabuting halimbawa. Tularan natin si Pablo sa ikalawang pagbasa; “Ako’y nakibagay sa lahat ng tao upang ang ilan man lamang ay mailigtas ko, kahit sa anong paraan. “
-b