Tema: Si Jesus at ang mga ketongin
Sa nangyayari sa ating paligid ngayon sa panahon ng Covid virus, madalas na marinig natin ang salitang “quarantine”. Ito ay galing sa salitang italiano na “quaranta” na ang ibig sabihin ay apatnapu. Ito ay ang naging batas noon sa Venice na magkaroon ng 40 araw bago payagang makabalik ang mga bapor na galing sa mga bayang pinaghihinlalaang may gumagalang sakit na nakakahawa. Hindi man 40 araw ngayon ang “quarantine” ito ay naglalagay pa rin ng “distansya” o paghihiwalay.Ngunit hindi na bago ito. Sa unang pagbasa narinig natin ang sinuman na dapuan ng sakit na ketong ay “ituturing na marumi at sa labas ng kampamento mamamahay na mag-isa.” Ito’y pagkakalayo sa komunidad na kinabibilangan. Minsan ang pagkakalayo na ito ay higit pang sakit ang naidudulot kaysa ng karamdaman. Ang komunidad ay malaking bahagi ng ating buhay. Ang mga tao sa paligid natin ay tulong para tayo’y lalong lumago sa ating pananampalataya. Kaya nga’t sabi ni San Pablo sa ikalawang pagbasa “hindi ko hinahanap ang sarili kong kapakanan kundi ang kapakanan ng marami, upang maligtas sila.” Sa pamamagitan nito tayo ay inaatasang maging mabuting halimbawa sa lahat.
Sa Mabuting Balita, narinig natin ang ugnayan ni Jesus sa mga maysakit, lalo na nang mga ketongin. Maririnig din natin dito kung paano tayo dapat humiling sa ating Panginoon. Narinig natin ang sabi ng may ketong, “kung ibig po ninyo…” Ito ay nagpapakita ng malaking paggalang at pananampalataya. Hindi nya sinabi agad na pagalingin siya ngunit hinihiling niya ito ayon sa kalooban ng Diyos. Mahalaga na sa ating pagdarasal o paghingi sa Diyos, ito ay dapat maging pagpapakita ng ating pananampalataya sa Kanyang kalooban. Na ibibigay niyang lagi ang lahat ng ating kahilingan kung ito’y magiging kasangkapan sa ating pag-unlad at kaligtasan. Pinagaling ni Jesus ang ketongin upang siya ay mabalik sa buhay ng komunidad, at para ipakita sa lahat na walang dapat “hindi kasali” sa Kanyang pamilya. Na lagi niyang kalooban ang makakabuti para sa atin. Sana sa ating mga panalangin marinig din natin ang katagang sinabi ni Jesus, “Ibig ko….”
-b