Miyerkoles ng Abo

Ngayon ay Miyerkoles ng Abo at simula ng Kuwaresma. Ang araw na ito ay araw ng pangingilin. Ito ay bagong paanyaya sa atin na pagnilayan ng mas malalim ang ating pananampalataya, upang papag baguhin ang ating mga kalooban at makita kung paano ba tayo sumusunod kay Kristo. Tatlong bagay ang idinidiin sa atin ng panahong ito, ang pag-aayuno, panalangin at paglilimos. Ano ng ba ang kahulugan ng mga ito sa ating buhay. Uunahin ko ang kahulugan ng paglilimos. 

Ito ay pagbibigay ng tulong sa mga nangangailangan. Hindi lamang ito pag-aabot ng salapi sa mga taong maaaring nakasahod ang kamay sa harap natin. Ang paglilimos ay pagiging handa ng ating mga mata na makita ang pangangailangan ng ating kapwa. Higit sa salapi mas higit na kailangan ng maraming tao ngayon ang oras. Madalas marami ay nangungulila sa kawalan ng mga taong handang making sa kanilang mga suliranin. Minsan kahit ang mga taong malapit sa atin ay nakararamdam nito. Maging bukas nawa ang ating puso at handang makinig sa iba, ang sakripisyo ng ating oras ay sakripisyo na ginagawa rin natin kay Kristo; “Yamang inyong ginawa sa isa dito sa aking mga kapatid, kahit sa pinakamaliit na ito, ay sa akin ninyo ginawa.” (Mateo 25:40)
Sa panalangin, tayo ay inaanyayahan na mag-alay pa ng mas higit na panahon upang makipagtalastasan sa Diyos. Hindi ibig sabihin nito na manatili tayong nakaluhod ng maraming oras sa loob ng simbahan. Ito ay hamon na sa bawat sandali manatili tayong may kamalayan na tayo’y laging nasa presensya ng Diyos. Na hindi Siya nawawalay sa atin. Na kasana natin Siyang tunay. Sabihin natin sa kanya ang ating mga saloobin, ang ating mga pangangailangan. Maging buo nawa ang paghingi natin sa Kanya. Tularan natin ang panalangin ng ketongin sa harap ni Jesus. Nais niyang gumaling sa kanyang sakit, ngunit hindi niya sinabi kaagad na “Pagalingin mo ako Panginoon!” Bagkus ang una niyang turing ay, “Kung ibig po ninyo’y mapagagaling ninyo ako.” Kung ibig po ninyo. Ito’y pagpapamalas ng malaking tiwala sa kalooban ng Diyos. Na dapat tayong humiling ayon sa Kanyang kalooban. Na manalig tayo na kahit ano man ang hiling natin at iyo’y makabubuti para sa atin ayon sa kanyang kalooban, ito’y lagi niyang ibibigay. Ang huli ay patungkol sa pag-aayuno. Wala na akong ibang maisip na higit pang kahulugan ng tunay na pag-aayuno kaysa sa sinabi ng Diyos sa pamamagitan ni propeta Isaias. Narito:

Şinabi ni Yahweh, “Sumigaw ka nang malakas na malakas; itaas mo ang iyong tinig gaya ng trumpeta. Ang kasalanan ng bayan ko sa kanila’y ihayag. Sinasangguni nila ako sa araw-araw, tinatanong nila ako kung paano sila mamumuhay. Kung kumilos sila ay parang matuwid, at hindi sumusuway sa mga tuntuning ibinigay ng kanilang Diyos. Humihingi sila sa akin ng matuwid na pasya; nais nila’y maging malapit sa Diyos.” Tanong ng mga tao, “Bakit hindi mo pansin ang pag-aayuno namin? Bakit walang halaga sa iyo kung kami ma’y magpakumbabá?” Sagot ni Yahweh, “Pansariling kapakanan pa rin ang pangunahing layunin ninyo sa pag-aayuno, at habang nag-aayuno’y patuloy ninyong inaapi ang mga manggagawa. Ang pag-aayuno ninyo’y humahantong lamang sa karahasan, kayo’y nagkakagalit at naglalaban-laban. Hindi tunay ang pag-aayunong ginagawa ninyo ngayon, kaya tiyak na hindi ko papakinggan, ang inyong mga dalangin sa akin. Ganyan ba ang pag-aayunong aking kaluluguran? Iyan ba ang araw na talagang nagpapakumbabá ang mga tao? Hinihiling ko ba na yumuko kayong tulad ng damong hinihipan ng hangin, o mahiga kayo sa sako at abo? Pag-aayuno na ba ang tawag ninyo diyan, isang araw na nakalulugod kay Yahweh? “Ganitong pag-aayuno ang gusto kong gawin ninyo: Palayain ninyo ang mga di-makatarungang ipinabilanggo; kalagin ninyo ang tanikala ng inyong mga inalipin. Palayain ninyo ang mga inaapi, at baliin ang mga pamatok ng mga alipin. Ang mga nagugutom ay inyong pakainin, ang mga walang tirahan ay inyong patuluyin. Ang mga walang maisuot ay inyong bigyan ng mga damit. At sa mga nangangailangang mga kamag-anak ay huwag kayong magkakait. Kung magkagayon, sisikat ang liwanag sa inyo, at matutulad kayo sa bukang-liwayway, hindi magtatagal at manunumbalik ang inyong kalusugan. Mahahayag sa inyong unahan ang mabubuti ninyong gawa, at sa inyong hulihan ay papatnubayan kayo ng kaluwalhatian ni Yahweh. Sa araw na iyon, diringgin ni Yahweh ang inyong dalangin; kapag kayo’y humingi ng tulong, sasabihin niya, ‘Naririto ako.’ “Kapag itinakwil ninyo ang pang-aapi, maling pagbibintang at pagsisinungaling; kapag ang nagugutom ay kusang-loob ninyong pakakainin, at tutulungan ang mahihirap, sisikat ang liwanag sa inyong nasa kadiliman, at ang inyong kapanglawan ay magliliwanag gaya ng sa katanghaliang-tapat. Patuloy kayong papatnubayan ni Yahweh at ibibigay ang pangangailangan sa gitna ng disyerto. Palalakasin niyang muli ang inyong mga buto. At magiging tulad kayo ng isang hardin, na binubukalan ng masaganang tubig, o isang batis na hindi natutuyo. (Isaias 58:1-11)

 Nawa’y maging mabunga ang Kuwaresmang ito para sa ating buhay espirituwal. Buksan ang ating puso at isipan upang mas may kahulugan ang ating pagdiriwang ng Pasko ng Pagkabuhay. Samahan natin si Jesus na magpakasakit at mamatay kasama niya, upang tayo rin ay mabuhay kasama niya