Ngayon ay unang Biyernes ng Kuwaresma. Nais kong ibahagi sa inyo ang kwento ni Propeta Oseas. Para sa marami maaaring mahirap intindihin ang librong ito. Sa simula pa lamang ay ganito na ang mababasa natin:
Nang magsimulang magsalita si Yawe sa pamamagitan ni Oseas, sinabi sa kanya ni Yawe: “Lumakad ka at kunin mong asawa ang isang sagradong babaeng bayaran at magkaroon ka ng mga anak sa kanya dahil pinakakasuklam-suklam na pagbibili ng sarili ang pagtalikod ng bayan kay Yawe.” (Oseas 1:2)
Nakagugulat isipin ang utos na ito ng Diyos sa propeta. At sa unang tatlong kabanata ng librong ito inilahad sa atin ang masakit na kuwento ni Hosea at Gomer, isang tapat na asawa at isang taksil na asawa. Ang mga tauhan at kuwento ay tumutukoy sa mas dakilang katotohanan—ang kaugnayan ng Diyos at ng kanyang bayan. Ngunit sa kabila ng kataksilan ng asawa ni Oseas at pag-iwan nito sa kanya, patuloy pa rin niya itong minahal. Sa mga susunod na kabanata mababasa natin ang naging kataksilan ng Israel sa kanyang Diyos. Makikita natin dito ang sakit na dulot ng kataksilan. Marahil may ilan sa atin ang nakaranas na rin nito. Ngunit darating ang kwento sa ika labing isang kabanata at sinabi ni Yawe:
Minahal ko ang Israel sa kanyang pagkabata; tinawag kong palabas sa Ehipto ang aking anak. Ngunit habang tinatawag ko siya, lalo naman siyang lumalayo sa akin – nag-aalay ng mga handog sa mga Baal, nagsusunog ng insenso sa mga diyus-diyusan. Ngunit ako ang siyang nagturong lumakad sa Efraim; inakay ko sila pero hindi naman nila naunawaang ako ang nag-alaga sa kanila. Inakay ko sila sa lubid ng makataong kagandahang-loob, sa mga tali ng pag-ibig. Inangat ko ang kanilang pamatok at yumuko ako para pakainin sila. (Oseas 11:1-4)
Makikita natin dito ang labis na pagmamahal ng Diyos sa kanyang bayan. Ang kanyang pagkalinga, ang pag-ibig na handang yumuko para pagsilbihan ang Kanyang bayan. Sa kabanata 14:2:Magbalik ka, Israel, kay Yaweng iyong Diyos! Nadapa ka sa iyong mga pagkakasala.At sa talata 5: Lulunasan ko ang kanilang pagkaligaw at buong puso silang mamahalin pagkat napawi na ang galit ko sa kanila.
Ganyan tayo kamahal ng ating Diyos. Gaano man kabigat ng ating kasalanan at kataksilan, Siya’y patuloy na maghihintay sa ating pagbabalik loob. Sa panahon na ito ng Kuwaresma mag-alay sana tayo ng sapat na panahon upang pagnilayan at tignan ang ating budhi. Tahakin natin ang daan pabalik sa ating Ama. Ang ating Amang nakalaan lagi ang kamay upang tulungan tayong tumayong muli mula sa pagkadarapa.