Unang Linggo ng Kuwaresma

Sa unang pagbasa ngayong Unang Linggo ng Kuwaresma, narinig natin ang kwento ni Noe at ng bahang lumipol sa sanlibutan. Nang humupa ang baha nakipagtipan ang Diyos sa angkan ni Noe at nangakong “kailanma’y hindi na lilipulin ng tubig ng baha ang buhay at hindi na magkakaroong muli ng baha na wawasak sa daigdig.” (Genesis 9:11)

Ang tubig ng baha na lumipol sa sanlibutan ay ang tubig din na nagpapanibago sa tipanan ng Diyos at ng kanyang Bayan. Makikita natin na matapos ang hustisya ng parusa sa kasalanan ng tao, sumunod muli ang Kanyang habag at awa. Sa ikalawang pagbasa, sinabi ni San Pedro na namatay si Kristo bilang katubusan sa ating mga kasalanan. Kinailangan na magdusa ang tapat at matuwid para sa mga hindi kumikilala sa kapangyarihan ng Diyos. At sa pamamagitan ng tubig ng binyag, nalilinis tayo sa pamamagitan ng pagka-buhay na mag-uli ni Kristo.

Sa Ebanghelyo sinabing pagkatapos ng pagbibinyag kay Jesus ni Juan Bautista “itinulak siya ng Espiritu sa disyerto, at apatnapung araw siyang nanatili sa disyerto. Tinukso siya ni Satanas; kasama niya ang mga hayop, at pinaglingkuran siya ng mga anghel.” (Marcos 1:12). Bagaman alam natin na hindi ang Diyos kailanman ang manunukso sa atin, tayo ay maari ring itulak ng Espiritu sa disyerto upang tuksuhin. Nais ba Niyang tayo’y matukso at bumagsak sa kasalanan. Hindi! Isinasaad lamang nito na ang tukso ay laging nasa ating paligid at dapat tayong maghanda na harapin ito. Alam din natin sa pagsubok lamang mapatutunayan ang ating tunay na pananampalataya sa Diyos. Kailanman hindi Niya tayong iiwanan at hahayaan na tayo’y tuksuhin higit sa ating makakaya. Sa ating kahinaan ay laging may kaakibat na biyaya ang Diyos. Sa mga pagsubok din natin mararamdaman kung gaano tayo kahina at sa harap nito ay magpakumbaba na tayo’y nangangailangan ng tulong ng ating Amang nasa langit. Huwag nating harapin ang mga pagsubok o tukso sa pamamagitan ng ating sariling kakayanan, bagkus gamitin natin ang salita ng Diyos upang maging matagumpay sa mga ito.

Hindi binanggit ni Marcos ang mga naging tukso kay Jesus ngunit mula sa ibang Ebanghelyo partikular sa Ebanghelyo ni Matteo, alam natin ang tatlong naging tugon ni Jesus sa panunukso ng Demonyo; 1) Sinasabi ng Kasulatan: Hindi sa tinapay lamang nabubuhay ang tao kundi sa bawat namumutawi sa bibig ng Diyos.” (Mateo 4:4) 2) “Ngunit ¬sinasabi rin ng Kasu¬latan: Huwag mong hamunin ang Panginoon mong Diyos.” (Mateo 4:6) 3) Sinasabi nga ng Kasulatan: Sambahin mo ang Panginoon mong Diyos; siya lamang ang iyong paglilingkuran.” (Matteo 4:10). Ito rin ang nararapat nating tugon sa bawa’t pagsubok na pagdaraanan natin.

Sa huling parte ng Mabuting Balita narinig natin na: “Dumating na ang takdang panahon, at malapit na ang paghahari ng Diyos! Pagsisihan ninyo’t talikdan ang inyong mga kasalanan at maniwala kayo sa Mabuting Balita ito.” Lahat ay may takdang panahon, mahalaga na malaman natin na sa pagsisisi at pagtahak sa daan patungo sa ating Panginoon, ang nakatakdang panahon ay ang “ngayon”! Hindi ang ating nakaraan o ang ating kinabukasan. Ngayon tayo nararapat na magsimulang magsisi sa ating mga kasalanan. Pagsisisi na galing sa ating kalooban at tunay na pag-iwas sa maaaring magdala sa atin sa kasalanan, at manalig sa Mabuting Balita na si Jesus.