Ang Araw ng Panginoon

Tayo’y madalas na nagsasama-sama, nagsasalu-salo sa masaganang hapag kainan, ngunit alam natin na “Hindi sa tinapay lamang mabubuhay ang tao, kundi sa bawa’t salitang lumalabas sa bibig ng Dios. (Mateo 4:4)” Kailangan din nating magsalu-salu sa “Salita ng Diyos”. Nararapat lamang na huwag tayong mahiya na ipahayag ang ating pananampalataya. Hindi ito nagpapakita ng kayabangan o mag mukhang banal at higit kaninuman, ngunit ito’y pagpapakita kung paano kumikilos sa atin ang Diyos. Walang “mabuti” isa man sa atin, sabi nga ni Jesus: “Bakit tinatawag mo akong mabuti? walang mabuti kundi isa lamang, ang Diyos.” (Marcos 4:4) Anumang mabuti sa atin ay handog ng Diyos, hindi dapat ipagmalaki ng ating ulo, ngunit ipagpasalamat sa Kanya at ibahagi sa ating kapwa.

Dapat tayong maghilahan sa daan ng kabanalan. Ang hindi natin pagkilos o pagsasalita sa mali nating nakikita ay paghila natin sa daan ng kapahamakan ng ating kaluluwa. Tayong lahat ay mahina at makasalanan. Ngunit araw-araw tinatawag pa rin tayo na magsumikap upang magbago at tahakin ang tamang daan. Tayo ay humihingi ng tawad sa ating mga pagkukulang ngunit kung pagkatapos hindi naman tayo gumagawa ng paraan na lumayo sa okasyon na maaaring pagmulan ng kasalanan, hindi magiging tunay ang ating pagsisisi. Kung alam natin na mapapaso tayo sa apoy, iwasan natin na lumapit dito, hindi ang ilapat pa ang ating kamay dito. Buksan nawa natin ang ating mga puso at isipan. Magtulungan tayo sa paggawa ng mabuti. Higit pa sa pagtutulungan natin sa ibang bagay, tulungan natin lumago ang bawat isa sa pananampalataya.

Noong taong 2017 nagbigay ng katekismo ang Santo Padre Fransisko tungkol sa kahalagahan ng Banal na Misa ng Linggo. At ito ang sabi niya:

Ang Araw ng Panginoon (Linggo) kung kailan tayo nakikipag ugnayan sa Panginoon ay nagbibigay sa atin ng lakas na maranasan ang kasalukuyan nang may tiwala at tapang, at humayo nang may pag-asa. Ito ang dahilan nating mga Kristiyano sa ating pakikiisa sa pagdiriwang ng Banal na Misa tuwing Linggo.

Ang pakikiisa natin kay Kristo sa Eukaristiya, Muling Nabuhay at laging buhay ay magpapa alala sa atin ng pangakong Linggong darating kung kailan hindi na lulubog pang muli ang araw at wala nang kahinaan o sakit, ni luha ng kalungkutan kundi ang kagalakan ng pamumuhay nang lubusan at magpakailanman kasama ang Panginoon.

Paano natin sasagutin ang mga nagsasabi na hindi na kailangan dumalo sa Misa, kahit pa sa araw ng Linggo? Ang mahalaga ay magpakabuti tayo at mahalin ang ating kapwa. Tunay nga na ang basehan ng ating buhay Kristiyano ang ang ating kakayanang magmahal tulad nga ng sinabi ni Jesus: “Sa ganito’y mangakikilala ng lahat ng mga tao na kayo ay aking mga alagad, kung kayo’y may pagibig sa isa’t isa. (Juan :35)” Ngunit paano natin masusunod ang Ebanghelyo nang hindi kumukuha ng lakas na kailangan para magawa ito, bawat araw ng Linggo, pinagmumulan ng Eukaristiya? Hindi tayo dumadalo sa Misa para magbigay ng isang bagay sa Diyos, kundi tanggapin ang ating tunay na pangangailangan mula sa Kanya. Ang panalangin ng Simbahan, na inatasan sa Diyos sa ganitong paraan, ay nagpapaalala sa atin: “Bagama’t hindi ninyo kailangan ang aming papuri, ngunit ang aming lubos na pasasalamat ay inyong kaloob, sapagkat ang ating mga papuri ay walang kabuluhan sa inyong kadakilaan kundi kapakinabangan para sa kaligtasan”

Sa pagtatapos, bakit nga ba tayo dumadalo sa Misa tuwing Linggo? Hindi sapat na dahilan ang pagiging alituntunin nigo ng Simbahan; nakakatulong ito para mapanatili ang kahalagahan nito, ngunit hindi ito sapat. Tayong mga Kristiyano ay dapat na makiisa sa pagdiriwang ng Misa ng Linggo, sapagkat sa pamamagitan lamang ng kanyang biyaya, sa kanyang buhay na pananatili sa atin at maisasakatuparan natin ang kanyang utos, at sa gayon ay maging kanyang malikhaing mga saksi.

(Papa Fransisko, 13 disyembre 2017)

Sa mga talatang ito makikita natin ang kahalagahan ng Misa tuwing Linggo. Na tayong mga Kristiyano ay dapat kumuha ng lakas na mahalin ang ating kapwa at para maging mabuting tao sa pagdiriwang ng Eukaristiya. Kung hindi galing kay Kristo sa Eukaristiya ang pagmamahal natin sa ating kapwa, mananatili itong tulad ng pilantropismo na pagtulong sa kapwa dahil lamag meron tayo higit kaysa sa iba, na minsan may nakatagong paghihintay ng kapalit. Ang ganitong pagtulong sa kapwa ay wala o hindi handa sa sakripisyo. Ngunit ang dapat ay ang “pag-ibig ni Kristo ay nag-uudyok sa atin” (2 Corinto 5:14) na mahalin ang ating kapwa, at minsan handa ring ialay ang buhay.

Isa pang dapat nating pagnilayan, lalo na ngayong Kuwaresma ay ang oras natin ibinibigay natin sa Panginoon, ito ay lalo na kung araw ng Linggo. Tama na ba ang isang oras ng Misa (na kung minsan ay wala pang tunay na atensyon) para masabi nating pinababanal natin ang araw na ito? Sapat na ba at kaya nating sabihin sa ating budhi na maaari na nating gawin ang lahat ng pagsasaya, paglalaro (na minsan ay nauuwi na sa bisyo ng pagsusugal), labis na pagkain at pag-iinuman? Kaya ba nating sabihin sa harap ng Diyos, “binigyan na kita ng isang oras, ngayon ako naman ang magsasaya!” Ito ba ang pagpapakita natin ng pagsisisi sa ating kasalanan? Ito ba ang pananampalataya na hinihingi natin sa kanya. Ito ba ang ating sukatan na tayo ay mabubuting tao? Kaya nating magpuyat at magpakapagod sa lahat ng bagay ngunit wala tayong panahon na ginugugol sa pag-aaral ng ating pananampalataya. Hindi ibig sabihin nito na maghapon tayong luluhod sa harap g altar upang magdasal, kahit na nga pa kaya nating humarap ng maraming oras sa harapan ng telebisyon, cellphone, baraha at piyesa ng mahjong? At para sa mga gawain upang matutunan pa natin ang ating pananampalataya ay sasabihin na kontento na tayo sa ating nalalaman at tayo naman ay mabuting tao? Ang sukat ba ng ating kabutihan ay ayon sa ating disenyo at kagustuhan? O sa pagsunod sa Kanyang kalooban “dito sa lupa para nang sa Langit?”

Bago ko tapusin ag pagninilay na ito, nais ko rin ibahagi ang ilang talata sa Sulat ng Papa San Gioanni Paolo II noong 31 Mayo 1998 na may titolong “Dies Domini” o “Ang Araw ng Panginoon” o Araw ng Linggo. Dito sinulat niya:

Ang pagsasalo sa Eukaristiya ang puso ng araw ng Linggo, ngunit ang tungkulin na pabanalin ang Linggo ay hindi natatapos sa pamamagitan lamang nito . Ang Linggo, ay maisasabuhay lamang ng mabuti kung ito ay may tanda mula sa simula at pagtatapos ng maghapon ng may pasasalamat at aktibong paggunita ng gawaing pagliligtas ng Diyos. Ito ay nagbibigay sa bawat alagad ni Kristo na paging dapatin ang iba pang oras ng maghapon – yaong labas sa konteksto ng Liturhiya: buhay ng pamilya, pakikipag talastasan sa mga kaibigan, mga oras ng pamamahinga – na may paggunita ng kapayapaan at kasiyahan na mula sa Panginoong Nabuhay na mag-uli. Halimbawa, ang pagsasama sama ng mga magulang at mga anak ay maging panahon ng pakikinig sa isa’t isa ngunit maging oras din ng paghuhubog at pagninilay. Maging sa buhay ng mga Laiko, kung maaari, bakit hindi maghanda ng natatanging oras ng pananalangin – lalo na nang pagdaraos ng Liturhiya ng Oras, – mga oras ng katekismo, na sa Sabado o Linggo ng hapon upang maihanda o punuin ang biyaya ng Eukaristiya sa puso ng lahat?

(John Paull II, Dies Domini, #52)

Sana´y maunawaan ninyo na walang ibang dahilan kung bakit ko ibinabahagi ang mga bagay na ito. Ito’y sa dahilan ng pagmamalasakit at diwa ng pagsisilbi at hindi upang maging “guro” ninuman.

Tayong lahat ay hindi nabubuhay para sa sarili lamang. Tayo ay may pananagutan sa isa´t isa sabi nga ng awitin. At mababasa rin natin sa Banal na Kasulatan:

“Anak ng tao, ginawa kitang bantay para sa sambayanang Israel. Tatanggapin mo ang Salita mula sa aking bibig at babalaan sila sa aking pangalan. Kapag sinabi ko sa tampalasang ‘Tiyak na mamamatay ka,’ at hindi mo siya binabalaan para iwan ang masasama niyang gawa upang maligtas, at mamatay siya dahil sa kanyang pagkakasala, ikaw ang papa-panagutin ko sa kanyang pagkamatay. Ngunit kung babalaan mo ang tampalasan at hindi pa rin siya nagbago, mamamatay siya dahil sa kanyang kasalanan ngunit maliligtas ka. Kapag tumalikod ang taong matuwid sa kanyang pagkamatuwid at gumawa ng masama, lalagyan ko ng hadlang ang kanyang daan at mamamatay siya. Pagkat hindi mo siya binabalaan, mamamatay siya dahil sa kanyang pagkakasala. Hindi aalalahanin ang mabubuti niyang gawa, at ikaw ang papapanagutin ko sa kanyang pagkamatay. Ngunit kung binabalaan mo ang taong matuwid para huwag magkasala, at hindi nga siya nagkasala, mabubuhay nga siya dahil nababalaan siya at maliligtas din ang buhay mo.” (Ezekiel 3:7-21)

Isama ninyo ako sa inyong mga panalangin at patawarin sa mga pagkakataon na hindi ako nagiging mabuting halimbawa. Isang banal na panahon ng Kuwaresma sa ating lahat

-b