Biyernes sa Unang Linggo ng Kuwaresma

Sa unang pagbasa narinig natin mula sa aklat ni Propeta Ezekiel ang labis na awa ng Diyos. Sinabi niyang kalilimutan niya ang lahat ng kasalanang nagawa ng mga taong magbabalik-loob sa kanya at tatalikuran ang daan ng kasamaan. Kailanman ay hindi Niya ikasisiya ang kamatayan ng masama, ngunit ang magbago ito at maligtas. Makikita natin dito na gagawin ng Diyos ang lahat upang tayo ay maligtas, ngunit hindi Niya maaaring pilitin ang tao na magbago. Ibibigay Niya lahat ng biyaya upang tayo ay magsisi at maligtas, sabi nga sa sulat ni San Pablo sa mga taga Corinto, “At siya’y nagsabi sa akin, Ang aking biyaya ay sapat na sa iyo” (2 Cor 12:9).

Ngunit kailangan tayong kumilos at baguhin ang ating pamamaraan ng buhay. Pagnilayan natin kung paano ba tayo namumuhay araw-araw. May oras ba tayo para makipag-usap sa Kanya? Hindi sapat ang mga palamuting kasabihan na madalas nating nababasang naka “post” at ibinabahagi sa “social media”, mawawalan ito ng kabuluhan kung hindi tayo nagsisimba tuwing Linggo, puno ang ating mga labi ng pagmumura na minsan ay dahil nakasanayan na ay parang bale wala na lang ngunit hindi dahil ito’y nakasanayan ng marami, ay ligtas na tayo sa pagkakasala, kung uunahin natin ang pag-iinom at pagsusugal kaysa mag-alay ng sapat na oras para sa Diyos, na tayo’y handang mapuyat at gumapang sa gawaing ito, ngunit pagod at walang oras para sa pagbabahagi ng ating pananampalataya.

Minsan malakas pa rin ang ating loob na magsabi na “mabuti naman ako sa aking kapwa”, ngunit alam natin na ang unang utos ay patungkol sa pagsunod natin sa kalooban ng Diyos at pangalawa lamang ang pag-ibig sa sarili at kapwa. Hindi tayo kailanman makapagbibigay ng malinis at tunay na pagmamahal sa ating kapwa kung hindi tayo kumukuha nang lakas para gawin ito sa pamamagitan ni Kristo. Madalas sumasama pa ang ating loob sa mga taong nagpapa-alala sa ating mga tungkulin bilang mga Kristiyano. Ngunit kailangan nating mapa-alalahanan. Mababasa natin sa Aklat ng Kawikaan: “Ang marunong makinig sa paalala ay mayroong unawa at mabuting pasya. Ipinapahamak ang sarili ng ayaw makinig sa pangaral, ngunit ang nagpapahalaga sa paalala ay nagdaragdag ng kaalaman.” (Mga Kawikaan 15:31-32)

Sa Mabuting Balita ayon kay Mateo, ipinahayag ni Jesus: “Sinasabi ko sa inyo: kung ang pagsunod ninyo sa kalooban ng Diyos ay tulad lamang ng pagsunod ng mga eskriba at mga Pariseo, hindi kayo makapapasok sa kaharian ng Diyos.” (Mateo 5:20) Anong ibig sabihin nito? Kailangan maging tunay ang atin pagsunod sa kalooban ng Diyos. Ito ay dapat bunga ng ating personal na relasyon sa Diyos. Na hindi tayo gumagawa ng Mabuti upang makita ng tao at tayo ay papurihan.

Nasaad din dito na huwag tayong mag-isip na masama sa ating kapwa. Maaari tayong makamatay sa pamamagitan ng ating isip at salita. At kung ganun nga, tayo ay mananagot sa Diyos at pagdurusahan natin ang kasalanang ito kung hindi tayo lalapit sa ating kapatid at humingi ng kapatawaran.

Nawa’y sa Kuwaresmang ito magkaroon tayo ng pagkakataon na tunay na pagnilayan ang ating pakikitungo sa Panginoon. Na magkaroon ng panahon na palawakin pa ang ating kaalaman sa mga bagay na makapagpapalago ng ating pananampalataya, at huwag ubusin ang oras sa mga bagay na maaari lang magdala sa atin sa maling daan at tandaan natin: “Ang taong may unawa ay naghahangad pa ng karunungan, ngunit ng mangmang ay nasisiyahan na sa kanyang kahangalan” (Kawikaan 15:14)

-b