Gusto mo bang yumaman?

Gusto mo bang yumaman? Hindi natin maikakaila na kung papansinin natin ang maraming mga “post” sa mga “social media” marami tayong mababasa na mga artikulo kung paano yumaman o “paghandaan ang kinabukasan” sa pamamagitan ng pag-iipon ngayon, madalas ng salapi. May mga nagtuturo na magsakripisyo upang makamit ang katatagang pinansyal.  Ito ay nagiging laganap at pati mga taong  nagsasabi na sila’y  tagasunod ni Kristo ang lubos ang tiwala sa mga turo ng mga institusyon na nagpapalaganap nito.

Ngunit sa kabilang panig dapat nating pagnilayan kung ano ba ang tinuro ni Kristo. Paano ba talaga maging tunay na tagasunod ni Kristo, at sundin ang kalooban ng Ama. Nakalulungkot isipin na madalas na ito’y nagpapakita lamang na mas higit pa ang tiwala natin sa mga institusyon kaysa sa pangako sa atin ng Diyos. Sinasabi ng karamihan na nagpapalaganap ng mga sistemang ito na hindi naman nila nakakalimutan ang Diyos. Nguni’t tignan nating lahat ang ating mga sarili, tunay nga bang hindi tayo nakakalimot sa Diyos? Paano ba natin ito ipinapakita? Nagdarasal man lamang tayo sa hapag kainan bago ito pagsaluhan? Naaalala pa ba nating magsimba kung Linggo at mga Araw na dapat ipangilin (kung alam man natin ito?) O kung magsimba man tayo’y natatagalan sa haba ng Misa, at madalas pag labas pa lamang ng simbahan at tanungin mo kung ano ang mga pagbasa ay wala ng matandaan. Ngunit handang igugol ang napakaraming oras sa “xoom” at “meet” para makinig sa mga seminar tungkol sa pagpapayaman. Maraming oras ang ginugugol sa lahat ng bagay maliban sa pag-aalay man lamang ng 30 minuto upang basahin ang Banal na Kasulatan at pagnilayan ito? Hindi ba’t hindi tayo nagsasawa na balik-balikan ang mga sulat at mensahe sa atin ng ating mga minamahal? Bakit kung tunay na una ang Diyos sa ating buhay at tunay natin siyang mahal, wala tayong panahon at pagnanais na basahin at pagnilayan ang kanyang salita? Ano ba ang mas higit na laman ng ating mga isipan sa maghapon, ang Diyos ba na gumising sa iyo sa isang bagong araw o wala man lang Siyang puwang, at naaalala lang natin Siya at magsasabi ng “Diyos ko po!” kung may sakuna na nangyayari sa ating kapaligiran, at kung may nais tayong makamit at hihiling na “Sana po Diyos ko ipagkaloob mo…” na para bang ang Diyos ay libreng pamilihan. Tayo ba ay tunay na sumusunod sa kalooban ng Diyos o tayo’y gumagawa ng imahen ng ating sariling diyos sa ating isipan na dapat makinig sa ating mga kahilingan. Tunay nga ang sabi na Panginoon:

“Walang taong maaaring maglingkod sa dalawang panginoon, sapagkat kamumuhian niya ang isa at mamahalin naman ang pangalawa, o kaya’y magiging tapat siya sa isa at hindi igagalang ang pangalawa. Hindi kayo maaaring maglingkod sa Diyos at sa salapi.” (Mateo 6:24)

Sa Ebanghelyo inilahad ni Jesus ang kwento ng Mayamang Hangal (Lukas 12:16-21)

“Namumunga nang sagana ang lupain ng isang taong mayaman. Napag-isipisip niya sa sarili, ‘Ano ngayon ang gagawin ko? Sapagkat wala na akong mapaglagyan ng aking mga inani.’ Sabi niya, ‘Ito ang gagawin ko. Gigibain ko     ang  aking mga kamalig at magtatayo ako ng mas malalaki at doon ko ang         mga ani at ari-arian. At sasabihin ko sa aking sarili, “Marami ka nang ari-ariang nakaimbak para sa   maraming taon. Magpahinga ka, kumain, uminom at magpakasaya.” Subalit sinabi sa kanya ng Diyos, ‘Hangal! Sa gabing ito ay babawiin sa iyo ang iyong buhay. Kanino ngayon mapupunta ang iyong mga inihanda?’ Gayon nga ang nagtitipon ng    kayamanan para sa kanyang sarili ngunit hindi mayaman sa harap ng Diyos.”

Kung ating mapapansin ang mayamang ito ay mukha naming pinagsikapan ang kanyang pagyaman. Masasabi nga na “kanya itong pinagpaguran”. Sa marami tama at makatwiran lamang ang kanyang ginagawa. Ngunit tinawag pa rin siyang hangal. Bakit kaya? Makikita natin na ginagawa niya ito para sa kanyang sarili, maari ring para sa kanyang pamilya. Wala ditong mababanggit na naalala niya ang kanyang kapwa, lalo na ang mga dukha! Sa halip na ibahagi ang kanyang kayamanan sa mga nangangailangan, minabuti niyang “iimbak”, itago, “ipunin” ito! Ngunit ang higit na tawag sa atin ay ang pagbabahagi ng ating kayamanan. Na tayo’y mabuhay tulad noong unang mga Kristiyano na mababasa natin sa Gawa ng mga Apostol. “Lahat ng mga mananampalataya ay nagkakaisa sa puso at kaluluwa. Hindi sinarili ng sinuman ang kanyang mga ari-arian, kundi lahat ng mga bagay ay kanilang pinagsasaluhan. “(Gawa 4:32) Kung lahat lamang ng tagasunod ni Kristo ay mabubuhay ng ganito, wala tayong makikitang salat o nagugutom. Minsan o madalas ang labis na paghahangad na yumaman ay nauuwi sa pagka-makasarili at pagkagahaman. Sabi nga ni San Ambrosyo, “Hindi mula sa iyong kayamanan ang ibinibigay mo sa dukha ngunit ibinabalik mo lang ang nararapat para sa kanila”. Sabi rin ni Jesus:

“Kaya’t huwag kayong mag-alala na baka kayo kapusin sa pagkain, inumin o damit. Hindi ba’t ang mga Hentil ang nababahala tungkol sa mga bagay na ito? Alam na ng inyong Ama na nasa langit na kailangan ninyo ang lahat ng ito. Ngunit higit sa lahat ay bigyang-halaga ninyo ang kaharian ng  at   ang     pamumuhay nang ayon sa kanyang kalooban, at ibibigay niya sa inyo ang    lahat ng mga bagay na ito.”

“Kaya nga, huwag ninyong alalahanin ang bukas; sapagkat ang bukas ang mag-aalala sa sarili niya. Sapat na ang inyong mga suliranin sa bawat araw.”(Mateo 6:31-34)

Napaka-laking hamon ito para sa ating lahat. Hamon kung gaano tayo kahanda na magtiwala sa pagkalinga ng ating Ama sa langit. Kanyang pangako na ibibigay Niya ang lahat ng ating pangangailangan. Ngunit ang katuparan ng pangakong ito ay kung tayo’y mabubuhay ayon sa kanyang kalooban. Kaya ngat tanungin natin ang ating mga sarili. Inuuna ko ba ang Kanyang kalooban at nagtitiwala sa Kanya ng lubusan. O may tiwala pa tayo sa mga taong nangangako ng magandang kinabukasan. Ating tandaan na hindi natin hawak ang bukas. Pagsikapin nating gawin ng mabuti ang ating mga tungkulin ngayon at ibigay ang lahat sa Diyos. Tandaan natin na ibibigay lamang Niya ang lahat kung tutuparin natin ang kanyang mga utos. Mainam din na isipin at gawin natin ang sinabi ni San Pablo:

“Kaya, dapat tayong masiyahan kung tayo’y may pagkain at pananamit. Ang mga nagnanasang yumaman ay nahuhulog sa tukso at nasisilo sa bitag ng masasama at mga hangal na hangarin na nagtutulak sa kanila sa kamatayan at     kapahamakan. Sapagkat ang pag-ibig sa salapi ay ugat ng lahat ng     kasamaan. Dahil sa paghahangad na yumaman, may mga taong nalalayo sa pananampalataya at nasasadlak sa      maraming kapighatian” (1 Timoteo 6:8)

Siguro hindi ko na kailangang ipaliwanag ang huling talatang ito mula sa sulat kay Timoteo. Maliwanag dito kung paano dapat mabuhay ang isang Kristiyano. Dapat tayong mabuhay na hangad lamang ang tunay na pangangailangan. Minsan naririnig ko rin ang mga katagang, “nais ko rin lamang na huwag maging salat ang aking maiiwan”. Ngunit isang tanong din, payapa mo rin ba silang iiwan na may tunay na pagmamahal sa Diyos? Na uunahin din nila ang Kanyang kalooban. Ang buhay ba nila ngayon ay magiging yaman din nila para sa buhay na walang hanggan?

Huwag tayong matakot na dumanas ng hirap, pagkabigo at minsan masabihan ng iba na naging kawawa lamang tayo sa buhay na ito. Ang pagkakapako sa krus sa ating Panginoon ay tila walang saysay at pagkatalo, ngunit ang paraan at batayan ng Diyos ay hindi tulad ng batayan ng mundo. Ang kamatayan sa krus ay naging simula ng biyaya ng Muling Pagkabuhay. Lagi nating tandaan:

“Ituring ninyong tunay na kagalakan, mga kapatid, kapag kayo’y dumaranas       ng iba’t ibang pagsubok, sapagkat alam ninyo na ang pagsubok sa inyongpananampalataya ay nagbubunga ng katatagan” (Santiago 1:2-3)

Hindi masama na magsumikap, gamitin ang talentong ibinigay ng Diyos sa atin upang mabuhay tayo ng marangal at magkaroon ng kayamanan. Ito’y masasabi rin nating biyaya mula sa Diyos. Ngunit ang biyayang ito ay baka sa kalaunan ay maging sanhi pa ng pagkaligaw at kaparusahan.  Kung malilimutan natin na ito’y ibahagi rin sa mga maraming nagdarahop sa ating lipunan, at maging bulag sa kanilang kahirapan. Ano mang yaman mayroon tayo ay bigay ng Diyos upang tayo ay makatulong at magbahagi sa nangangailangan. At kung gugugulin lang nating ang mas maraming oras sa pagpapayaman, tunay na mas liliit ang panahon natin para sa gawain ng Diyos. Totoo naman na lalago nga ang ating  yaman dito sa lupa, ngunit tayo nama’y daraan sa pagkagutom ng kaluluwa na hahantong sa kapahamakan nito.

Kaya nga limang bagay na lagi nating tandaan.

1)         Mag-ipon tayo ng kayamanan sa kalangitan.
“Huwag kayong mag-impok para sa inyong mga sarili ng mga kayamanan dito sa lupa, kung saan ang bukbok at kalawang ay sumisira at kung saan ang mga magnanakaw ay nakapanloloob at nakapagnanakaw. Sa halip ay mag-impok kayo para sa inyong sarili ng mga kayamanan sa langit, kung saan ang bukbok at ang kalawang ay hindi makakapanira at kung saan ang mga magnanakaw ay hindi nakapanloloob at nakapagnanakaw. Sapagkat kung saan nakalagak ang iyong kayamanan, doon din naman malalagak ang iyong puso. (Mateo 6:19-21)

2)         Ibigay natin ang ating puso sa Diyos.

3)         Maging maayos tayo sa paggamit ng kayamanan, materyal man, talento o   karunungan; huwag kalimutan na magbahagi nito sa mga nangangailangan.

4)         Mag-alay na sapat na oras araw-araw sa pananalangin. Kaya nating            magsakripisyo sa maraming bagay, bakit hindi para sa Diyos.

5)         Huwag nating pabayaan na pagharian tayo ng ating kayamanan bagkus tayo       ang dapat maghari dito.

Patnubayan at pagpalain nawa tayo ng Panginoon, palaguin ang Salita ng Diyos sa ating puso at ito nawa’y magbunga para sa buhay na walang hanggan.