Madali bang sumunod kay Kristo?

Minsan narinig ko mula sa isang mangangaral na dapat tayong sumunod sa yapak ng Panginoong Jesucristo kung nais nating maging maayos ang ating buhay. Magandang kalusugan, magandang pamilya at masaganang pamumuhay. Wala naman sigurong masama na mag-nais ng mga ganitong bagay, lalo na kung ito’y para sa ating mga mahal sa buhay.

Ngunit sa pagsasabi na maayos na buhay ang naghihintay para sa mga sumusunod kay Kristo, sa aking palagay ay hindi lubos na totoo. Tignan natin una sa lahat ang naging buhay ng ating halimbawa, si Kristo.

“Na siya, bagama’t nasa anyong Dios, ay hindi niya inaring isang bagay na nararapat panangnan ang pagkapantay niya sa Dios, Kundi bagkus hinubad niya ito, at naganyong alipin, na nakitulad sa mga tao. At palibhasa’y nasumpungan sa anyong tao, siya’y nagpakababa sa kaniyang sarili, na nagmasunurin hanggang sa kamatayan, oo, sa kamatayan sa krus.” (2 Filipos 2:6-8)

Hindi pinili ni Kristo na isilang sa mayamang pamilya. Siya ay isinilang sa isang sabsaban. Maliit pang bata ay napilitang pumunta ang kanyang pamilya sa ibang bayan, sa Ehipto, dahil gusto siyang patayin. Nang nasa Ehipto sila, siguradong nabuhay sila tulad ng mga “ofw” sa panahong ito. Naranasan nila ang maging migrante. Nang bumalik ang sila sa Israel, ay wala silang dalang maraming kayamanan at tulad ng kanyang ama na San Jose ay naging simpleng karpintero.

Nang magsimula siyang mangaral hindi Siya nabuhay nang marangya, mabuhay sa isang magandang tahanan o masaganang hapag-kainan. Sabi nga Niya: ” May mga lungga ang mga zorra, at may mga pugad ang mga ibon sa langit; datapuwa’t ang Anak ng tao ay walang kahiligan ang kaniyang ulo.” (Mateo 8:20) Mapapansin din natin na madalas Siyang naaabutang kumakain sa iba’t-ibang tahanan. Sinabi rin niya sa Kanyang mga alagad Sa alinmang bayan na inyong puntahan at tanggapin kayo ng mga tagaroon, kainin ninyo ang anumang ihain sa inyo.” (Lucas 10:8)

Ang isang alagad o tagasunod ni Kristo ay dapat lamang na pakumbabang tanggapin ang kabutihang-loob ng kanyang kapwa. Sa pamamagitan nila madarama natin na hindi tayo pababayaan ng Ama kung uunahin lamang natin na hanapin ang kaharian ng Diyos at “at ang lahat ng mga bagay na ito ay idaragdag sa inyo.(Mateo 6:33).  

Sa ating panahon malaking hamon ang tunay na pagtitiwala sa Diyos. Ang mundo ay humihila sa atin na magtiwala lamang sa ating sarili at kakayahan. Bawa’t araw ay pagpapakita kung sino at alin ba ang ating mga pinagkakatiwalaan. Sa pagsakay lamang ng bus ay nagtitiwala tayo sa nagmamaneho nito na tayo’y dadalhin sa ating tamang patutunguhan. Naisip ba natin na maari niyang ilaglag sa isang tulay at maging sanhi ng ating kapahamakan? Hindi, lubos ang ating tiwala. Ganito rin dapat kalaki ang tiwala natin sa Diyos bawat oras. Mabuhay tayo sa kasalukuyan ng maayos at tiyak hindi tayo ipapahamak ng Diyos. Sa wikang Ingles ang kasalukuyan ay “present”, katagang maaari ding ang ibig sabihin ay “regalo”, ang kasulukuyan ay regalo sa atin ng Diyos. Dito tayo mabuhay bilang mga tagasunod ni Kristo. Hindi sa nakaraan na lumipas na at wala na tayong magagawa at sa darating pa, na hindi naman natin alam.

Bilang isang Kristiyano hindi kahulugan na walang pagdurusa at paghihirap. Hindi ba tayo nahihiya na tawaging Kristiyano at ang buhay natin ay puro kasaganaan lamang? Minsan nakapagtataka na marami ang gustong magdiwang ng mga kapistahan ng kanilang Santong Patron ng Bayan sa pamamagitan ng lahat ng tipo ng kasayahan, sayawan, kantahan, at kainan; ngunit ang santong ipinagdiriwang ay nagkaroon ng buhay na puno ng sakit, pagkagutom, pagdadalamhati at minsan kamatayan o pagbubuwis ng buhay para sa kanyang pananampalataya? Ito ba ay makabuluhan na pagdiriwang? Gusto natin sundan ang yapak ni Kristo ngunit ayaw nating magdala ng krus araw-araw! Si Kristo ba ng Mabuting Balita ang nais nating sundan, o lumilikha tayo ng Kristo na kawangis ng mundo.

Darating ang araw, Ang mga tao’y magiging makasarili, sakim sa salapi, mayayabang, mapagmalaki, mapagmalabis, suwail sa mga magulang, walang utang na loob, at lapastangan sa Diyos. Sila’y magiging malupit, walang habag, mapanirang-puri, walang pagpipigil sa sarili, mababangis, at namumuhi sa mabuti. Sila’y magiging taksil, pabaya, mapusok, maibigin sa kalayawan sa halip na maibigin sa Diyos. Sila’y magkukunwaring maka-Diyos, ngunit tinatanggihan naman ang kapangyarihan nito. ” (2 Timoteo 3:2-5)

Mga kapatid, ating pakakatandaan. Ang pagsunod kay Kristo ay pagpapasan ng ating krus araw-araw patungo sa kalbaryo. Sa 12 apostol, isa ang nagtaksil at 10 ang namatay na nag-aalay ng kanilang buhay. Isa lamang ang namatay sa katandaan. Hindi sa mundong ito ang ating tunay na tahanan. Naihanda na ni Kristo ang ating mga silid sa langit nating tunay na bayan.

bernardMariaP