Marahil may mga magtatanong kung saan ko nakukuha ang mga paksa sa aking pagninilay. Ang mga ito ay mula sa mga nakikita ko sa araw-araw na pamumuhay natin bilang mga Kristiyano. Nais kong pagnilayan ang mga bagay na tunay na nangyayari sa atin bawat araw nang sa gayon tayong lahat ay magkaroon ng sariling pagsusuri ng ating mga sarili kung paano natin isinasabuhay ang ating buhay Kristiyano at Katoliko. Tayong lahat ay may tungkuling maging mabuting halimbawa sa ating kapwa. Ulitin ko, “tayong lahat!”
Kadalasan may mga gawain, kasabihan at paniniwala na nagiging parte ng ating buhay ngunit para sa karamihan ay hindi alam ang dahilan o kung bakit ito nananatili sa ating buhay. Bilang mga Pilipino, lalo na, napakarami ng mga bagay na ito na para bang nagiging batas na rin o pamantayan ng ating buhay. Ngunit dapat natin malaman ang dahilan ng mga ito at pinagmulan upang lalo nating itong pag ibayuhin o minsan dapat ring iwasan at kalimutan. Ang kamangmangan ay maaaring magdala sa atin sa kapahamakan. Tayo ay binigyan ng Diyos ng kakayanang mag-isip at talino upang tayo’y makapag-desisyon ng tama at malaman ang Kanyang kalooban.
Sa pagninilay na ito nais kong bigyang pansin ang tungkol sa pagdiriwang natin ng “kaarawan o birthday”. Tayong mga Pilipino ay mahilig sa mga kasayahan. At isa sa malaking pagdiriwang natin ay patungkol sa “kaarawan ng kapanganakan”. Mayroon tayong mga edad na mas higit ang pagdiriwang, tulad ng unang taon, ika-pitong taon, ikalabing-walong taon at ika-limampung taon.
Ngunit kahit gaano na ito napanatili sa ating pang-unawa at kultura, naitanong na ba natin kung bakit tayo nagdiriwang ng ating mga kaarawan? At kung sasagutin natin ang tanong na ito, masasabi ba natin na ayon sa dahilan na ito tayo ay nagdiriwang?
Marami sa aking napagtanungan ang dahilan raw ng pagdiriwang ay bilang pasasalamat sa Diyos sa buhay na Kanyang ibinigay. Napaka-lalim na dahilan ngunit makikita kaya ang dahilang ito sa ating mga pagdiriwang?
Sa aking napapansin sa karamihan ng aking pagdiriwang ng kaarawan na nadaluhan na, ito ay puno lamang ng kainan, tawanan, inuman at kung anu-ano pang mga “ritwal” na wala man lamang makapagpapakita ng pasasalamat sa Panginoon, kung hindi sa isa o dalawang minuto ng mabilis na pagdarasal. Kadalasan ito pa’y natatabunan ng ingay ng maraming taong nasa paligid na hindi man lang kayang manahimik kahit sandali. Nauubos ang maghapon sa pistahan ngunit walang panahon na dumalaw muna sa Simbahan at mag-alay ng oras kahit sandali sa pasasalamat sa buhay na handog ng Maykapal. Madalas pa nga nagiging dahilan ang paghananda sa kakainin ng mga panauhin kaya walang panahon upang maka-simba man lamang. Ito ba ang maituturing na pagpapasalamat sa Diyos sa handog niyang buhay? Nais ba niya ang mga mararangal na pagdiriwang na ito? Minsan may mga okasyon pang gumugugol ng malaking salapi para sa handaan at kasuotan. Ito ba’y pagpapakita rin ng pasasalamat o pagpapakita kung ano ang ating kalagayan o antas sa lipunan, upang tayo ay papurihan at hangaan. May mga magsasabi rin na “wala akong paki-alam, pinaghirapan ko ang salapi na ito at gagawin ko ang gusto ko dito!” Pag-isipan nating mabuti, manahimik na sandali at tanungin natin ang ating mga sarili, “ito ba ay mabuting sagot sa pagpapala ng Panginoon, isa ba itong mabuting aral sa ating mga anak?”
Minsan nakarinig din naman ako ng mga taong hindi naghahanda ng malaki o marangya sa kaarawan. May ilan na sa araw ng kanilang kaarawan ay nag-aalay ng oras sa ibat-ibang uri ng kawang gawa tulad ng pagbisita sa may sakit, pag-aalaga o pagdalaw sa matanda, pagbibigay ng tulong na salapi sa mas nangangailangan katumbas ng magagastos sana nila sa paghahanda ng isang piging, pagpapakain sa mga hikahos ng lipunan, pag-aalay ng dugo sa mga ospital na nangngailangan, pagtuturo ng katekismo at marami pang iba. Kaya kaya nating gawain ang mga halimbawang ito?
Sa Banal na Kasulatan, sa unang pagkakataon ang pagdiriwang ng kaarawan ay nabanggit sa Genesis 40:20; “At nangyari nang ikatlong araw, na siyang kapanganakan kay Faraon, na gumawa siya ng isang piging sa lahat ng kaniyang lingkod: at itinindig niya ang ulo ng puno ng mga katiwala ng saro, at ang ulo ng puno ng mga magtitinapay.” Ito’y pagdiriwang nang mga bayang hindi gumagalang sa iisang Diyos. Karamihan ng pagdiriwang ng kaarawan sa Bibliya ay walang kaugnayan sa Diyos. Matatandaan din natin na sa isang pagdiriwang ng kaarawan ay namatay at nag-alay ng buhay si Juan Bautista, ng hilingin ng anak ni Herodias ang ulo nito (Mateo 14).
Kung titignan din natin ang kalendaryo pang Liturhiya ng Simbahan, tatlong tao lamang ang ipinagdiriwang na kapistahan ang kanilang kapanganakan; una ni Jesus, ang Salita ng Diyos (“At nagkatawang-tao ang Salita, at tumahan sa gitna natin” Juan 1:14), ni Juan Bautista (“ Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Sa gitna ng mga ipinanganganak ng mga babae ay walang lumitaw na isang dakila kay sa kay Juan Bautista” Mateo 11:11) at ng Mahal na Birheng Maria (“Magalak ka, ikaw na totoong pinakamamahal, ang Panginoon ay sumasa iyo.” Lukas 1:28). Ang higit na nakararami na kapistahan ng mga banal o Santo ay hindi ang kanilang kapanganakan, bagkus ang araw ng kanilang kamatayan sa mundo! Ang mga unang Kristiyano ay hindi nagdiriwang ng kanilang kaarawan sapagkat hindi nila nais na matulad sa mga pagdiriwang na “uso” sa mundong kanilang ginagalawan. “At huwag kayong magsiayon sa sanglibutang ito: kundi magiba kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pagiisip, upang mapatunayan ninyo kung alin ang mabuti at kaayaaya at lubos na kalooban ng Dios.” (Sulat sa mga taga-Roma 12:2)
Bago ako magtapos nais kong bigyan diin. Hindi masama ang magdiwang ng kaarawan. Ang pinagmumulan ng maaring ikasama nito ay ang dahilan na nag-uudyok at kung paano natin ito ipinagdiriwang. Ito ba’y patunay ng ating pananampalataya o pakikiisa lamang sa tradisyong malayo sa kalooban nang Panginoon? Araw-araw ay hamon ng pagbabalik-loob at pagpapanibagong buhay sa ating lahat, huwag sana nating sayangin ang mga kaloob sa atin ng ating Ama.
bernardMp