Fatima

Marahil karamihan sa atin ay kilala ang ating Mahal na Inang Maria sa kanyang titulo na “Our Lady of Fatima” o Birhen ng Fatima. Ang marami sa atin ay may larawan o imahen ng Fatima sa ating tahanan. Dito sa Roma ay kilala ang Simbahan ng Fatima kung saan maraming Pilipino ang nagtitipon upang magbigay pugay sa Mahal na Ina. Marami ang maagang gumigising at nanggaling pa sa mga malalayong lugar upang pumaroon.

Pagnilayan natin ngayon ang tunay na debosyon sa Mahal na Ina ng Fatima, sapat na nga ba ang pagpunta sa simbahan ng Fatima upang tunay nating siyang papurihan? O madalas ito ay para lamang mag-picnic, kumain at mag-inuman?

Mahalaga siguro na balikan natin ang kwento n Fatima. Ito ay nagsimula noong Mayo 13, 1917 nang ang isang magandang babae ang nakita ng 3 batang pastol. Ngunit alam ba natin na bago ang araw ng yaon, isang taon bago o taong 1916 ay nagpakita muna ang isang anghel sa tatlong bata upang ihanda sila sa pagpapakita ng Mahal na Ina? Sa pagpapakita ng anghel itinuro niya ang panalanging ito: “Diyos ko, ako po ay naniniwala, ako po ay sumasamba, ako po ay nagtitiwala, at nagmamahal sa Inyo! Nanghihingi po ako ng kapatawaran para sa lahat ng mga hindi nanininiwala, hindi sumasamba, hindi nagtitiwala, at hindi nagmamahal sa Inyo.” Alam ba natin ang panalanging ito? Sinabi ng anghel sa mga bata kung paano dapat magdasal ng taimtim. Ipinaliwanag din niya sa kanila ang malaking kahalagahan ng panalangin at ang pagsasakripisyo para sa pagtutuwid sa mga nagawang kasalanan laban sa Diyos. Sinabi sa kanila ng anghel: ‘Gawin ninyo ang lahat ng sakripisyo na inyong makakaya at ihandog iyon sa Diyos bilang pagtutuwid sa lahat ng mga kasalanan na inyong nagawa para sa inyong pagdaing sa pagpapanumbalik sa mga makasalanan.”

Sa unang pagkakataon, ika-13 ng Mayo ay nakita ng tatlong bata si Maria at sinabi niya na palagiang manalangin ng Santo Rosario. Sa bawat ika  13 ng buwan tuwing  magpapakita ang Mahal na Ina sa mga bata, ang paulit-ulit na ipanapa-alala sa kanila ay ang patuloy na manalangin ng Santo Rosaryo. Kung tunay tayong nagnanais ng kapayapaang mula sa Diyos, ang katuparan lamang nito ay sa panalangin. Kung nais nating tunay na pagtagumpayan ang “pandemia” na ito, sa panalangin lamang at tunay na pagtitiwala sa Diyos na mayhawak ng panahon.

Sinabi rin niya na nais ng Diyos na ipalaganap sa buong mundo ang debosyon sa Kalinis-linisang Puso ni Maria. Ang pusong ito ay puso ng tangi at isang nilalang na kailanman ay hindi nabahiran ng kasalanan. Isa lamang nilalang na sa kababaang-loob ay lulupig sa kayabangan ng “ulupong” na nais laging maglayo sa atin sa Diyos.

“Nakita din ng mga bata na lubhang nasaktan ang Diyos sa kasalanan ng sangkatauhan at ninanais Niya ang bawat isa sa atin at ang buong sanlibutan na talikuran ang kasalanan at ituwid ang mga nagawang pagkakamali sa pamamagitan ng panalangin at pagsasakripisyo. Mapapansin natin na ang mga larawan o imahen ng Birhen ng Fatima ay may lungkot sa mukha. Sinabi rin ng mga bata na tuwing nagpapakita sa kanila ang Mahal na Ina, ito ay laging malungkot, hindi siya ngumiti kailanman sa kanila. Malungkot na nagmakaawa ang Birhen ng Fatima, dahil sabi niya, “Huwag na ninyong sasaktan ang Panginoon, sapagkat lubha na Siyang nasaktan!”

Panghuli ay ang pananalangin para sa mga makasalanan. “Sinabihan din ang mga bata na manalangin at ihandog ang kanilang sarili sa mga makasalanan upang iligtas sila sa impiyerno. Ipinakita din sa mga bata sa loob ng maiksing panahon ang pangitain ng impiyerno at pagkatapos sinabi sa kanila ng Mahal na Ina: “Nakita ninyo ang impiyerno kung saan pumupunta ang kaluluwa ng mga makasalanan. Marami ang napupunta sa impiyerno dahil walang nananalangin para sa kanila.” Kaya mahalaga na ipanalangin natin ang mga makasalanan. Hiniling ng Mahal na Ina ang panalangin at sakripisyo, tayong hindi na mga bata, ano ang ginagawa natin upang tugunan ang hiling na ito?

Ngayong araw ng kapistahan ng Fatima, pagnilayan natin kung paano tayo tumutugon sa hiling ng ating Mahal na Ina. Mayroon bang puwang ang Santo Rosaryo sa ating oras sa buong maghapon? Bago ako magtapos isang paanyaya sa mga taong nais magdasal ng Rosaryo araw-araw na may kasama “online”. Ilan sa aming pamilya sa Pomezia ay nagdarasal ng Rosaryo online sa pamamagitan ng Google Meet, kayo ay aking inaanyayahan tuwing 20:00 (Rome time) sa https://meet.google.com/_meet/rkh-iwuu-ycs. Kapayapaan sa ating lahat.

bernardMp