Mahigit dalawang-libong taon na nang isilang ng Mahal na Birheng Maria sa Bethlehem ang ating Panginoong Hesukristo, ang ikalawang persona ng Banal na Santatlo. Sa katahimikan ng sabsaban iniluwal ng Birhen ang kanyang panganay (Lukas 2:7). Nagtungo ang anghel ng Diyos sa mga pastol upang ipahayag ang magandang balitang ito, at sila ay humayo at nakita ng kanilang mga mata ang magliligtas sa sangkatauhan, ang kakalas sa pagkakatali nito sa kasalanan. Lahat ng ito sa katahimikan sa Bethlehem.
Ibang-iba ang pangyayari at tanawin sa ating kasulukuyang panahon. Halos natabunan na ang katahimikan ng araw ng kapanganakan ni Jesus. Kaliwa’t-kanan maririnig nating ang mga busina ng mga sasakyan na naghahabulan, ang sigawan sa mga pook ng pamilihan ng regalo para sa mga mahal sa buhay, ang halakhakan sa mga “Christmas party” habang nagpapakabusog sa pagkain at nagpapakalunod sa inuman. Minsan kung hindi man madalas hindi man lamang nakaka-alalang magpasalamat at mag-alay ng panalangin bago pagsaluhan ang masaganang hapag. Na sa araw ng Pasko ay mabigat pa ang katawan sa isang oras na Misang dadaluhan. Minsan nakalulungkot na makita na marami ang mga hindi man lamang magtungo sa simbahan, at laging may “sapat na dahilan” upang lumiban. Babati ng Maligayang Pasko/Merry Christmas na hindi man lang naiisip ang kahulugan ng pagbating ito. Ang pagkakaroon ng “exchange gifts” na kung bakit natin ginagawa ay madalas hindi alam. Tayo ba pag nagtutungo sa pista ng may kaarawan, ay nakikita ang mga dumalo na nagpapalitan ng regalo? Hindi ba’t ang may kaarawan ang ating hinahandugan? Nang dumating ang mga hari sa Bethlehem, sino ba ang kanilang pinaghandugan? Ang lubos na nakapagtataka marami sa atin ang abala na isipin kung ano ihahandog natin sa ating magulang, kapatid, inaanak, kamag-anak, at kaibigan, ngunit sumagi ba sa ating mga isipan kung ano kaya ang maihahandog natin sa Diyos na nagkatawang tao para sa ating katubusan? Napagnilayan ba natin kung ano ang nais ng “sanggol” sa sabsaban? Ano ba ang tunay niyang ikalulugod na matanggap mula sa atin? Siguradong hindi ito christmas tree, christmas light, parol, christmas party, exchange gifts, pagreregalo, ingay ng kainan at inuman at iba pang material na bagay. Isa lang ang kanyang nais. Ang ating puso. Pusong handa at nagsisikap na sundin ang kanyang kalooban. Na magkaroon ng tunay at malalim na pakikipag-ugnayan sa Kanya sa panalangin, pagbabasa ng Salita ng Diyos, at pagbabahagi nito sa ating kapwa. Kahit madalas tayo ay masasabihang nagbabanal-banalan.
Hindi masama ang maraming kaugalian nating nakasanayan sa panahon ng Pasko, ngunit huwag nating kalimutan na may mas mahalaga tayong dapat gampanan upang tunay na ipagdiwang ang kapanganakan ng “Emmanuel”, ang Diyos na kasama natin.
Maligayang Pasko sa ating lahat!