Tayong mga Pilipino ay kilalang napakahilig sa mga piyesta. Lahat ay nagiging dahilan ng mga kapistahan.
Ngayong buwan ng Mayo, marami tayong mga kapistahan na ipinagdiriwang. Ang tawag pa na marami ay “piyesta ng aming patron”. Ang mga patron na ito ay kadalasang mga titulo ng ating Mahal na Birhen at mga Santo. Ngunit tanungin natin ang ating mga sarili at magnilay, ano ba talaga ang kahulugan ng mga pagdiriwang na ito? Kilala ba natin at alam ang buhay ng tinatawag nating “patron”? Marami ang nagsasabi na may debosyon sa Mahal na Birhen ng Fatima, ngunit alam ba natin ang mensahe ng Fatima? Sa maraming probinsya kilala na patron ng mga magsasaka si San Isidro Labrador? Ano ba ang kanyang ginawa at tinawag na banal o Santo.
Ano nga ba ang dahilan kung bakit natin ipinagdiriwang ang mga kapistahan ng mga santo? Ang tanging dahilan ay upang makilala natin ang mga kapatid natin sa pananampalataya na nauna sa atin, malaman kung paano nila minahal ang Panginoon, isinabuhay ang kanyang mga utos at naging halimbawa sa ating pang araw-araw na buhay Kristiyano. Ang marami sa kanila ay hindi nag atubiling ibuwis ang kanilang buhay para sa pananampalataya.
Ngayon tayo’y magnilay at tignan kung paano natin ipinagdiriwang ang kapistahan ng ating mga patron. Ito ba’y naaayon sa ating pananampalataya? Nagbibigay ba ito ng inspirasyon na isabuhay ang ating pagsunod sa utos ng Diyos? O nagiging dahilan lamang ito ng walang sawang kainan at inuman, halakhakan at kawalan ng kagandahang-asal? Ano ang kahulugan ng mga “beauty pageant”, at minsan ng mga “gay pageant” sa pagdiriwang ng kapistahan ng mga santo? Minsan o madalas nagiging dahilan lamang ito ng lasingan at sugalan, kung saan maririnig natin ang walang humpay na pagmumura at kalapastanganan. Habang puno ang mga liwasan ng tao sa mga palabas, ang simbahan ay walang laman.
Madalas din na pinagkaka-abalahan ng tunay at pinakaka-gastusan ang mga gawaing walang kahulugan. At hindi natin maipagkakaila na sa pagdiriwang na ito, ang dulot lamang ay kawalan ng rispeto sa Salita ng Diyos at kasalanan. Handa tayong magpuyat sa panonood ng mga patimpalak, ngunit kung tayo’y tatawagin sama samang pagdarasal ng Rosaryo, bigat na bigat ang ating katawan, at kung sumama man, nais ito ay matapos sa lalong madaling oras.
Sa tingin natin, ito ba’y kalugod-lugod sa Diyos? Ito ba ang halimbawa na napulot natin sa buhay ng mga banal? Paano natin sasabihin na tunay ang ating mga debosyon kung ang ipinagdiriwang nating santo ay nabuhay sa pagkagutom at kawalan, samantalang tayo’y nagpapaka-busog ng ating mga tiyan. Hindi masama na magsaya at mag-sama sama sa pagdaraos ng mga piyesta ngunit tandaan sana natin na ang mga gawain na ating ihahanda ay makatutulong na busugin hindi lamang ang ating katawan ngunit pati na rin ang ating espiritu at kaluluwa. Huwag sanang maging pagdiriwang na “pagano” ang ating mga kapistahan. Alalahanin natin ang sabi ng Diyos sa pamamagitan ni propeta Amos:
“Namumuhi ako sa inyong mga handaan,
hindi ako nalulugod sa inyong mga banal na pagtitipon.
Hindi ko matatanggap ang inyong mga handog na sinusunog,
handog na mga pagkaing butil at mga hayop na pinataba.
Kahit na ang mga iyon ay handog pangkapayapaan,
hindi ko pa rin papansinin.
Tigilan na ninyo ang maiingay na awitan;
ayoko nang marinig ang inyong mga alpa
Sa halip ay padaluyin ninyo ang katarungan, gaya ng isang ilog;
gayundin ang katuwiran tulad ng isang di natutuyong batis.
(Amos 5:21-24)
Pagpalain nawa tayo ng Panginoon!