Ang Kamatayan ni San Juan Bautista

Sa araw na ito ay ginugunita natin ang pag-aalay ng buhay ni San Juan Bautista, na pinsan at tagapagbinyag sa ating Panginoon. Mahalaga na matutunan natin ang kahalagahan ng halimbawang ito.

Si Juan Bautista ay pinapugutan ni Herodes Antipas. Sinasabi na nasisiyahan si Haring Herodes na makinig kay Juan na mangaral; ayon sa Ebanghelyo, “Gustung-gusto niyang makinig kay Juan kahit labis siyang nababagabag sa mga sinasabi nito. ” (Marcos 6:20). Ngunit hindi ito naging sapat upang huwag niyang ipapatay si Juan. Mababatid natin mula rito na hindi sapat na nasisiyahan o nagagalak tayo sa mga magandang pangaral na ating naririnig. Mahalaga na maniwala tayo at isabuhay ang paniniwalang ito.

Ayon sa Banal na Kasulatan naging hayagan ang pagpuna ni Juan Bautista sa kasal ni Herodes kay Herodias. Asawa si Herodias ng kapatid ni Herodes na si Felipe. Bago pa man o mabilis matapos pumanaw si Felipe, diniborsiyo ni Herodes ang kanyang asawang si Phasaelis, at pagkatapos ay nagpakasal kay Herodias. Nang pinagdiinan ni Juan Bautista na ang diborsyo at muling pag-aasawa ay labag sa batas ng Diyos, ipinakulong siya ni Herodes. Marahil ay may pakay na si Herodes na patayin si Juan sa kalaunan. Ngunit natakot si Herodes sa maaaring pag-aalsa ng mga tao (Mateo 14:5) at tila alam niyang si Juan ay isang mabuting tao (Marcos 6:20), o dahil tinitingalang propeta ng mga tao si Juan, kaya nanatili na lamang nakakulong si Juan.

Sumapit ang kaarawan ni Herodes, at isang malaking pagdiriwang ang naganap at doon ay sumayaw ang anak na babae ni Herodias na si Salome, at ito’y labis na kinagiliwan ni Herodes. Upang gantimpalaan ang kanyang pagtatanghal at ipakita ang kanyang malaking kayamanan at kabaitan, nangako si Herodes sa harap ng kanyang mga panauhin na ipagkaloob sa kanya ang anumang pabor na hilingin niya. Dahil sa pag-uudyoik ng kanyang inang si Herodias, na “nagkaroon ng malaking galit kay Juan Bautista at gusto siyang patayin,” hiniling ni Salome ang ulo ni Juan sa isang plato (Marcos 6:19, 25). Sinabi na “Labis na nalungkot ang hari, subalit dahil sa kanyang sumpang narinig ng mga panauhin, hindi niya matanggihan ang dalaga. (Marcos 6:26) Kaya nga, si Juan Bautista ay pinapugutan sa kanyang kulungan at ang kanyang ulo ay iniharap sa anak na babae ni Herodias, at sa harap ng lahat ng panauhin. Marahil marami sa atin ang ganito. Huwag lamang tayong maging salungat sa paniniwala ng nakararami, handa tayong isantabi ang “katotohanan”. Sumasang-ayon na lamang tayo minsan o nananahimik upang huwag maging hindi kalugod-lugod sa mga nakapaligid sa atin. May mga pagkakataon na takot tayong sabihan na “nagbabanal-banalan” lamang.

Si Juan Bautista ay nakulong at pinaslang sa pagtuturo ng katotohanan ng Salita ng Diyos. At katulad din niya, si Jesus ay ipinako sa krus at namatay dahil rin sa pagtuturo ng katotohanan. Katotohanan na madalas ayaw marinig ng karamihan.

Ang magandang aral na kailangan nating matutuhan mula rito ay ipagtanggol ang KATOTOHANAN! Ito ay isang bagay na lubhang kailangan ngayon. Handa ba tayong manindigan sa tama? Handa ba tayong magsalita at ipahayag sa lahat ng pakakataon ng “hindi sikat at uso” na katotohanan? Handa ba tayong magdusa para sa kapakanan ng kabutihan? O nanaisin na lang natin na manahimik at huwag maki-alam. May mga pagkakataon pa na sasabihin natin na hindi tayo dapat maghusga ng ating kapwa at hayaan sila sa kanilang paniniwala.

Maliwanag na ipanagdiinan ng “huling propeta ng lumang tipan” ang kasagraduhan ng kasal. Ang diborsyo ay labag sa batas ng moralidad na utos ng Diyos. Ngunit walang nagsalita. Karamihan ay nagbulag-bulagan. Walang nagmalasakit na magsalita ng katotohanan o magbigay ng taos-pusong pagpapakita ng pag-ibig sa kapwa sa hari. Walang sinuman, maliban kay Juan. Sinabi niya ang katotohanan hindi  upang tuligsain ang hari o sabihin na siya’y mas banal. Ngunit siya ay nagmamalasakit sa hari at tinatawag siya  sa pagsisisi. Alam din natin ang sabi ng Diyos: “Kapag sinabi kong tiyak na mamamatay ang mga taong masama, at hindi mo sila binigyan ng babala upang sila’y makapagsisi, ang mga tao ngang iyon ay mamamatay dahil sa kanilang kasalanan; ngunit pananagutan mo sa akin ang kanilang kamatayan.” (Ezekiel 3:18) Sa ating pagpuna o pagsasabi natin ng kasalanan na ginagawa ng ating kapwa, dapat nating malaman na hindi ito pagtuligsa sa kanilang katauhan o pagdidiin sa kanila, bagkus ito’y dala ng labis na pagpapahalaga sa kanilang kaligtasan. Sinong tunay na kaibigan na mananahimik na lamang at hindi pipigilan na inumin ang isang tasa ng lason ng kanyang kaibigan? Kung ganun tayo magmalasakit sa katawan ng ating kaibigan, lalo at higit pa dapat para sa kanilang kaluluwa,

Bagama’t hindi kasiya-siya o hindi para sarili nitong kapakanan, ang pagdurusa para sa katotohanan o kabutihan ay maaaring maging halimbawa at biyaya sa mga taong hindi tumatahak ng landas ng katotohanan. Ang pagtatangkang pagpapatahimik, pagpapahiya, pagpapalayo, pang-iinsulto, paninira sa mga taong nagsasabi ng katotohanan ay kadalasang nagmumula sa kawalan ng kaalaman, ng mga walang paki-alam, o maling pagkaunawa.

Sa maraming lipunan sa kasalukuyan, ang mga inusig ay hindi laging binibigyan ng pisikal na kaparusahan. Kung minsan ang pagdurusa ay panlipunan, trabaho, ekonomiya, o panlilinlang. Halimbawa, maaring mahirapan maghanap ng trabaho ang isang taong naniniwala sa tradisyonal at kasagraduhan ng kasal. At napakarami pang isyu—proteksyon ng mga taong hindi pa isinisilang, ang wastong pagkilala sa dalawang kasarian, ang kalayaan na magpabakuna o hindi, at marami pang iba.

Tinatawag tayo ng Panginoon na sumunod sa kanya: Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Sinumang nagnanais sumunod sa akin ay kailangang itakwil ang kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus, at sumunod sa akin. Ang naghahangad na magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito; ngunit ang mawalan ng kanyang buhay alang-alang sa akin ay magkakamit nito. Sapagkat ano ba ang mapapala ng isang tao makamtan man niya ang buong daigdig, ngunit mapapahamak naman ang kanyang sarili? Ano ang maibibigay ng isang tao kapalit ng kanyang buhay? “(Mateo 16:24-26)

Samakatwid, bawat isa sa atin ay inaanyayahang pasanin ang ating krus, mamatay sa ating sarili, at maghangad ng kabutihan. Hindi madali ang sumunod sa Panginoong Jesus. Araw-araw ay hamon na mabuhay ayon sa kanyang kalooban. At lagi nating tandaan: “Makikilala ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo.” (Juan 8:32)

Kapayapaan sa ating lahat.