Mga Pagbasa

lunes, Setyembre 25 2023

Lunes ng Ika-25 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)


UNANG PAGBASA
Esdras 1, 1-6

Ang simula ng aklat ni Esdras

Nang unang taon ng pamamahala ni Haring Ciro ng Persia, nilukuban siya ng Espiritu ng Panginoon. Nangyari ito upang matupad ang kanyang salita sa pamamagitan ni Propeta Jeremias. Kaya, si Haring Ciro ay sumulat ng ganito:

“Niloob ng Panginoon, ng Diyos ng Kalangitan, na masakop ko ang lahat ng bansa sa daigdig. At sinabi niya sa aking ipagtayo ko siya ng isang templo sa Jerusalem, Juda. Kaya pinahihintulutan ko ang lahat ng Israelita na magpunta sa Jerusalem, ang bayan ng kanilang Diyos, upang itayong muli ang bahay ng Panginoon. Pagpalain nawa sila ng Diyos. Lahat ng mamamayan sa lugar na may Israelita ay tutulong sa kanila. Bigyan sila ng mga pilak, ginto at iba pang kailangan, tulad ng mga hayop at mamahaling kasangkapan, bukod sa kusang handog para sa templo ng Panginoon.”

Tumugon naman sa panawagang iyon ang mga puno ng sambahayan ng mga lipi nina Juda at Benjamin, ang mga saserdote at mga Levita, at lahat ng napukaw ang kalooban upang tumulong sa muling pagtatayo ng templo sa Jerusalem. At sila’y tinulungan ng mga mamamayan sa lupaing tinitirhan nila. Binigyan sila ng mga pilak at ginto. Binigyan din sila ng hayop at mamahaling kasangkapan, bukod sa kusang handog nila.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 125, 1-2ab. 2kd-3. 4-5. 6

Gawa ng D’yos ay dakila
kaya tayo’y natutuwa.

Nang lingapin tayo ng Diyos at sa Sion ay ibalik,
ang nangyaring kasaysaya’y parang isang panaginip.
Lahat tayo ay natuwa, masasayang nagsiawit.

Gawa ng D’yos ay dakila
kaya tayo’y natutuwa.

Ang sabi ng mga bansang nagmamasid sa paligid,
“Ang ginawa ng Diyos nila ay dakila, anong rikit!”
Dakila ngang masasasabi, pambihira ang ginawa,
kaya naman kami ngayon, kagalaka’y di kawasa!

Gawa ng D’yos ay dakila
kaya tayo’y natutuwa.

Kung paanong inuulan yaong mga tuyong batis,
sa sariling bayan namin, kami, Poon, ay ibalik.
Silang mga nagbubukid na nagtanim na may luha,
bayaan mo na mag-aning masasaya’t natutuwa.

Gawa ng D’yos ay dakila
kaya tayo’y natutuwa.

Yaong mga nagsihayong dala’y binhi’t nananangis,
ay aawit na may galak, dala’y ani pagbalik!

Gawa ng D’yos ay dakila
kaya tayo’y natutuwa.

ALELUYA
Mateo 5, 16

Aleluya! Aleluya!
Dapat kayong magliwanag
nang kabutiha’y mahayag
at D’yos ang s’yang matanyag.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Lucas 8, 16-18

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa mga tao, “Walang taong nagsisindi ng ilaw at pagkatapos ay tatakluban ng banga o ilalagay kaya sa ilalim ng higaan. Sa halip, inilalagay ito sa talagang patungan upang makita ng mga pumapasok ang liwanag. Walang natatago na di malalantad, at walang lihim na di malalaman at mabubunyag.

Kaya pagbutihin ninyo ang inyong pakikinig; sapagkat ang mayroon ay bibigyan pa, ngunit ang wala ay aalisan pati ng inaakala niyang nasa kanya.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.